NANGAKO si Gilas Pilipinas coach Vincent “Chot” Reyes na dadalo sa Senado ang sentro ng Brooklyn Nets na si Andray Blatche na nais na kunin bilang naturalized na manlalaro ng Gilas Pilipinas.
Sa hearing ng Senate Committee on Sports and Recreation noong Lunes, sinabi ng mga Senador sa pangunguna nina Jinggoy Estrada, Bam Aquino at Sonny Angara na dapat pumunta sa Senado si Blatche upang sabihin sa kanila na nais siyang maging Pinoy at tulungan ang Gilas para sa FIBA World Cup sa Espanya sa Agosto at ang Asian Games sa Incheon, Korea, sa Setyembre.
Sinabi ni Reyes na pakay ng Gilas na sa Mayo 30 o sa unang linggo ng Hunyo bibigyan ng Philippine passport si Blatche para makasama sa Gilas sa World Cup.
Ngayong araw ay isasalang ang Senate Bill 4084 ni Angara sa second reading.
Idinagdag ni Reyes na lilipad kaagad si Blatche sa Pilipinas pagkatapos ng kanyang pakikipag-usap sa pamunuan ng Nets.
Natalo ang Nets kontra Miami Heat sa Eastern Conference semifinals ng NBA kamakailan.
(James Ty III)