NANAWAGAN ang Palasyo sa publiko na huwag maglunsad ng anti-Chinese riots gaya nang nagaganap sa Vietnam bunsod ng alitan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Hinimok kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., ang taong bayan na sumunod sa batas at tiniyak na may ganap na kahandaan ang pambansang pulisya para harapin ang ano mang sitwasyon.
Dalawang Chinese national na ang namatay at 100 pa ang nasugatan bunsod ng mga protestang inilunsad sa Vietnam laban sa oil rig drilling ng China sa Parcel Islands na itinuturing ng Vietnam na kanilang teritoryo.
Inaayos na ng Chinese government ang charter flights at mga barkong maglilikas sa kanilang mga mamamayan mula sa Vietnam.
Ilang Filipino ang lumahok sa rally sa harap ng Chinese consular office kasama ang ilang Vietnamese kamakailan.
Inaasahang tatalakayin nina Pangulong Aquino at Vietnamese Prime Minister Nguyen Tan Dung ang nasabing isyu sa pagdalo ng punong ehekutibo sa World Economic Forum (WEF) on East Asia na gaganapin sa bansa sa darating na Mayo 21.
Pangungunahan ni Pangulong Aquino ang pagpupulong na dadaluhan din nina Indonesian President Susilo Bambang Yudhoyono, at Vice President ng Myanmar Nyan Tun, kabilang na ang humigit kumulang sa 600 lider at delegado mula sa mga sektor ng negosyo, pinansya, at civil society mula sa 30 bansa.
“Napapanahon ang pagpupulong na ito sapagkat sa taon na ito inaasahan na ang buong rehiyon ng Silangang Asya ang magtatala ng pinakamataas na antas ng paglago sa buong mundo,” paliwanag ni Coloma.
(ROSE NOVENARIO)