HINDI sumipot ang aktor na si Gerald Anderson sa laro ng kanyang koponang Holy Trinity College kontra University of the Philippines kahapon sa Filoil Flying V Pre-Season Premiere Cup sa The Arena sa San Juan.
Ayon sa head coach ng Wildcats na si Pol Torrijos, may biglaang iskedyul ng taping si Anderson para sa kanyang teleseryeng Dyesebel ng ABS-CBN si Anderson kaya hindi na dumating sa arena ang aktor.
“Up to kagabi (noong Biyernes), gusto talagang maglaro si Gerald pero natapos ang taping niya na madaling araw na,” wika ni Torrijos. “Then, may call time siyang alas-12 ng tanghali para sa susunod niyang taping kaya hindi na siya tumuloy sa laro. Dinala pa namin yung uniporme niya.”
Dating manlalaro at mag-aaral si Anderson sa HTC noong siya’y high school pa bago siya pumasok sa showbiz bilang housemate ng Pinoy Big Brother.
Nag-enroll siya sa isang home study program sa HTC para makalaro siya sa torneo.
Ngunit kahit wala si Anderson ay nanalo pa rin ang Wildcats kontra Maroons, 94-85, sa pangunguna ni Edson Batiller na gumawa ng 21 puntos at pitong rebounds.
“We thank Filoil Flying V for inviting us sa torneo,” ani Torrijos. “We had fun at nag-enjoy ang mga bata. Kung imbitado uli kami next year at kung libre siya, lalaro siya para sa amin.”
Tinapos ng HTC ang kampanya nito sa torneo na may isang panalo at limang talo.
(James Ty III)