NAGLIYAB ang pampasaherong bus sa South Luzon Expressway (SLEx) kahapon ng umaga, bago dumating sa Nichols exit, Pasay City.
Sa pahayag ng mga pasahero kay Rowena Capalog, Skyway Traffic Officer, sumiklab ang apoy dakong 5:57 a.m. paglagpas ng Sales Bridge malapit sa Nichols exit.
Sa ulat, galing Bicol patungong Araneta Bus terminal sa Cubao ang St. Jude Transit bus, minamaneho ni Joel Daguiso, nang makaramdam ang mga pasahero ng kakaibang tunog ng makina pagdating sa Alabang, Muntinlupa City.
Tumindi ang kakaibang tunog sa makina ng bus kaya’t pagsapit sa Nichols ay dama na ang kakaibang init sa loob ng sasakyan hanggang magkagulo at naalarma ang mga pasahero.
Agad inihinto ni Daguiso ang bus pero biglang sumiklab ang apoy kaya’t nagkanya-kanyang labas sa bintana at pintuan ang mga pasahero.
Sinabi ni Daguiso, tinangka niyang apulain ang apoy gamit ang fire extinguisher pero mabilis ang paglaki ng apoy.
Walang nasugatan sa insidente bagama’t nagdulot ito ng matinding trapiko makaraang isara ang lahat ng linya ng SLEX patungong Pasay city.
Dakong 6:20 a.m. naapula ang apoy sa pagresponde ng mga bombero mula sa Skyway at Villamor Airbase. (JAJA GARCIA)