ARESTADO ang isang miyembro ng Philippine Army na sinabing suma-sideline bilang bodyguard ng negosyanteng ama ng young actress na si Kim Chiu nang positibong kilalanin ng isang saksi na siyang bumaril sa dalawa katao sa Occidental Mindoro kamakailan.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Saldie Santillan y Lozada samantala ang dalawang biktima ay kinilalang sina Joebert Egina y Valdriz, myembro ng Coast Guard, at Charwen Martizano y Quial ng Barangay Poblacion V, San Jose, ng nasabing probinsya.
Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Rommel Guilas Ramirez ng San Jose Municipal Police Station, bandang 12:50 ng hapon nang mangyari ang insidente.
Naglalakad umano ang saksing si Eutequio Francisco y Vicente, 36, isang mangingisda, kasama ang dalawang biktima habang pauwi na sa kanilang tahanan nang masalubong ang kaibigang si John Paul Sombito na nagpapasaklolo sa pambubugbog sa kanya ng ilang kalalakihan sa tapat ng Akong Bakery sa nabangit na bayan.
Agad nilang pinuntahan ang lugar at nakilala nila si Santillan pero sinalubong sila ng isang ‘sekyu’ na kinilalang si Jerry Flores at binalaan silang huwag lalapit sabay paputok ng baril.
Hinimok ni Eutequio ang mga kasama na umuwi na ngunit, biglang pinukpok ng baril ng suspek sa batok nang ilang beses si Joebert hanggang sila ay magpambuno at mag-agawan sa armas.
Nang magkaroon ng pagkakataon, biglang tumalilis si Santillan pero bumalik ilang sandali ang nakalipas na may bitbit na mataas na kalibre na kanyang ginamit sa pamamaril kay Joebert.
Tinamaan si Martizano na agad namatay kasabay si Joebert bago pa man sila madala sa ospital samantala nahagip din ng bala sa kanang braso si Eutequio na isinugod sa pagamutan.
Sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng dalawang pinaslang na ayon na rin sa imbestigasyon ay dating kaalitan ng suspek ang mga pinaslang.