“Nakakatakot na po siya ngayon, baka po mapatay niya kami ng mga anak niya, palagi na lang siyang tamang hinala, wala na nga po siyang ginagawa kundi kumain, matulog at mag-drugs, ako na ang nagtitinda at naghahanapbuhay pagkatapos ay araw-araw pa niya akong bubugbugin!”
Ito ang pahayag ni Jackilyn Freza,30, ng 532 Quezon Boulevard, Quiapo, Maynila, kaya niya ipinakulong ang kanyang kinakasama na si Albert Astorga, 29.
“Kung ano-ano po ang sinasabi niya sa akin, minsan sinabi niya may tumatawag sa akin sa bintana. Sino naman po ang tatawag sa akin don, e ilog ‘yon. Pinipilit po niya akong sabihin ko na raw kung sino ang guma-gago sa kanya,” dagdag a ni Freza.
Salaysay ni Freza, nagsimula ang kanyang kalbaryo nang malulong sa droga ang kinakasama.
Hindi na umano natiis ng biktima ang pananakit sa kanya ng suspek at kamakalawa ng gabi, tinawag siya ng suspek habang nagtitinda at pinaakyat sa kanilang bahay para lamang bugbugin.
“Pinagtatadyakan po niya ako, may malaking pasa po ako sa tagiliran kung hindi ko po siya ipakukulong baka kung ano na ang magawa niya sa akin, wala na siyang pinakikinggan, kahit sinong tumingin sa kanya sinisita n’ya laging tamang hinala,” dagdag ng biktima.
Nakatakas lamang ang biktima at nakapagsumbong sa barangay nang magkunwaring siya’y nagugutom.
Samantala, nakade-tine na sa Manila Police District-Women’s Desk ang suspek at kanyang itinanggi ang pambubugbog sa kinaksama.
(leonard basilio)