HINDI pa isinasantabi ng Malacañang ang posibilidad na maging state witness si pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles dahil hihintayin pa ang buong affidavit na isusumite niya sa Department of Justice (DoJ).
“At this point wala pang linaw. Tulad niyan, ang affidavit niya hindi pa tinatapos at hindi pa naisumite nang buo. At this point, we really don’t know,” pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte hinggil sa pagtutol ng ilang mambabatas sa hirit ni Napoles na “immunity from prosecution.”
Sa kasalukuyan, ani Valte, mahirap hulaan ang usapin dahil bubusisiin pa ng DoJ ang buong affidavit na isusumite ni Napoles.
Nauna nang kinontra ng ilang mambabatas ang kahilingang immunity ni Napoles, partikular si Bayan Muna party list Rep. Neri Colmenares na nagsabing kung tetestigo si Napoles, dapat ay walang kondisyon na hindi siya makakasuhan.
Kaugnay nito, minaliit ni Valte ang panawagan ng mga militanteng grupo sa Palasyo na huwag protektahan ang mga kaalyadong sangkot sa pork barrel scam.
“Hindi naman ho pinoprotektahan ng Pangulo kung sino ho ‘yung may ginawang mali. Obviously, lagi ngang sinasabi ng Pangulo, ‘imbestigahan at siguraduhin na merong ebidensiya.’ Tingin ko ‘yung sinasabi nila na… Ang nginingitngit siguro ho nung iba ay just on their say-so ay hindi po dini-dismiss ng Pangulong Aquino ‘yung miyembro ng Gabineteng pinipilit na idawit na wala pong kaukulang ebidensiya. Katulad ng sinabi ng Pangulo, you know, everyone is entitled to follow the same process and that is not… that does not … hindi ho exempted ‘yung kanyang mga miyembro ng Gabinete, na also entitled to the process that should be rightfully followed,” ani Valte.
Nasa kamay na aniya ng Sandigabyan kung ipa-aresto sina Sens. Juan Ponce-Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa kasong plunder kaya’t wala siyang reaksiyon sa napaulat na inihahanda na sa Camp Crame ang selda ng tatlong senador.
(ROSE NOVENARIO)
‘EPAL’ NI PING SA NAPOLES LIST OK LANG — VALTE
Ipinagtanggol ng Palasyo si rehabilitation czar Panfilo Lacson mula sa panawagang magbitiw na sa puwesto dahil sa pakikialam sa pork barrel scam imbes tutukan ang trabaho sa Yolanda victims.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, sa kanyang pagkakaalam ay agahan, tanghalian at hapunan na nga ni Lacson ang Yolanda plans.
Ayon kay Valte, hindi naman dahil nagkomento si Lacson sa isang usapin ay napapabayaan na ang trabaho sa rehabilitasyon.
Bukod kay Justice Sec. Leila de Lima, nabigyan din si Lacson ng Napoles list na kanyang ibinigay sa Senate Blue Ribbon Committee kaya nabunyag ang ibang sangkot sa pork barrel scam.