SANDALI lang ang magiging selebrasyon ng San Mig Super Coffee pagkatapos na magkampeon ito sa katatapos na PBA Commissioner’s Cup.
Ito’y dahil sasabak muli sa aksyon ang Super Coffee Mixers sa Governors’ Cup kontra Barako Bull sa Mayo 21.
Tatangkain ng tropa ni coach Tim Cone na idepensa ang kanilang titulo sa huling torneo ng PBA ngayong ika-39 na season para makamit nila ang Grand Slam.
Muling pangungunahan ni Marqus Blakely ang San Mig sa kanyang ikatlong pagsabak sa Coffee Mixers, bukod sa pagbabalik ni Allein Maliksi mula sa pilay.
“We’re not talking about it (Grand Slam),” wika ni Cone. “It’s something we’re not thinking about. The good news is that Marqus is here already and we know how good he is. Allein will also give us a big lift. It’s unfathomable to think that we have a game in five days. We’ll try to figure out a way to prepare.”
Nagkampeon ang Mixers noong Huwebes nang humabol sila mula sa 17 puntos na kalamangan ng Talk n Text at maitala ang 100-91 na panalo upang tapusin ang serye sa 3-1 sa sobrang init na PhilSports Arena sa Pasig .
“We don’t want to use this conference as an excuse for the next conference,” ani Cone. “We’re gonna keep pushing and see what we’re gonna do. We have control the things we can do, like sticking to our game plan defensively.”
Mawawala na sa coaching staff ng San Mig sina Jeffrey Cariaso at Olsen Racela na lilipat na sa Barangay Ginebra San Miguel bilang head coach at assistant coach.
May plano si Cone na kunin ang kanyang dating assistant coach niya sa Alaska na si Joel Banal para palitan sina Cariaso at Racela.
Samantala, tuloy ang pagbubukas ng PBA Governors’ Cup bukas sa Smart Araneta Coliseum kung saan maghaharap ang Barako at Meralco sa unang laro sa alas-3 ng hapon at San Miguel Beer kontra Alaska sa alas-5:15 ng hapon. (James Ty III)