HINIMATAY ang paalis na pasahero sa immigration counter ng departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Si Angelita Baroso ng Marilao, Bulacan ay nawalan ng malay habang ipinoproseo ang mga dokumento ng kanyang pamilya sa immigration counter.
Inihayag ng mister ni Baroso na si Jing, nagulat siya nang makitang nakahandusay ang kanyang misis sa sahig at walang malay.
Hindi niya napansin ang pagbagsak ng kanyang misis kundi siya inabisuhan ng hindi nakilalang empleyado ng Duty Free Philippines na dumaan at nakita ang umiiyak nilang anak na babae.
Agad nagresponde ang immigration officers at tumawag ng medical staff ng airport.
Ayon kay Baroso, hindi niya nakayanan ang matinding init sa loob ng airport, na pinatindi pa ng mahabang pila sa immigration departure area.
Agad binigyan ng lunas ng airport medical staff si Baroso habang binigyan siya ng bottled water at sandwiches ng immigration officers.
Sa kabila ng insidente, nakasakay pa rin si Baroso at ang kanyang pamilya sa Cathay Pacific flight na may connecting flight sa Hong Kong patungo sa London.
Isang buwan lamang ang nakararaan, isang dalagita ang hinimatay bunsod ng matinding init sa NAIA-1.
Mismong sina Pangulong Benigno Aquino III at Transporation Secretary Emilio Abaya ay humingi ng paumanhin sa publiko sa matinding init sa loob ng paliparan.
(GLORIA GALUNO)