ISANG enhinyerong opisyal ng Manila City Engineering Office ang nasakote ng mga awtoridad nang tanggapin ang hinihingi niyang ‘padulas’ mula sa isang arkitekto sa loob ng kanyang tanggapan kahapon ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Engr. Juan Capuchino, Jr., chief of staff sa City Engineering Office na inireklamo nina Cesar “King” Gallardo at Architect Bryan Chester Lim, ng 145 Leopoldo Street, Villa Catalina, Dasmariñas Cavite.
Sa isinagawang coordination ni Insp. Dennis Wagas, Legal Department ng Manila Police District (MPD) at Manila City Hall Manila Action Special Assignment (MASA) Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr., dakong 3:00 p.m. isinagawa ang nasabing entrapment.
Dinakip at nabawi sa suspek ang P50,000 marked money na ibinigay ng mga complainant na sina Lim at Gallardo.
Sa ulat, ginigipit umano ni Capuchino ang mga biktima sa kanilang mga proyekto, partikular ang itinatayong condominium sa Dagupan, Tondo, kahit legal ang kanilang mga papel at pilit umano silang hinihingan ng pera upang matuloy ang konstruksiyon.
Ayon sa suspek, galit lamang sa kanya ang nasabing arkitekto dahil ilang notice na ang ipinadala niya na hindi maaaring ituloy ang konstruksiyon dahil nasasakop umano ng condominium ang estero sa lugar.
Kaugnay nito, negatibo sa flourescent powder test ang suspek dahil hindi pa nahahawakan ang marked money.
Ayon kay Irinco sasampahan ng kasong direct bribery at violation of anti-graft and corrupt practices ang suspek.
(leonard basilio)