MAKAGANDA kaya sa Barangay Ginebra ang pagpapalit ng head coach at coaching staff para sa season ending tournament ng Governors Cup?
Marami kasi ang nag-aalala sa tsansa ng pinakapopular na koponan sa bansa sa huling torneo ng season lalo’t nalalapit na ang pagbubukas nito. Puwede kasing magsimula ito sa Linggo o sa Miyerkoles depende sa kung gaano katagal ang finals ng kasalukuyang PBA commissioner’s Cup.
Bakit sila nag-aalala?
Kasi parang hindi pa full-time sa Gin Kings ang kanilang bagong head coach na si Jeffrey Cariaso.
Na-appoint na ang manlalarong tinaguriang “The Jet” bilang bagong head coach ng Gin Kings matapos na sumablay ang koponang ito sa unang dalawang conferences ng season.
Okay naman si Cariaso at mukhang alam naman niya ang kanyang ginagawa. Kumbaga’y ready na siya sa panibagong hamon sa kanyang career. Kasi nga’y ilang taon na rin naman siyang nagsilbi bilang assistant coach ni Tim Cone sa San Mig coffee.
Pero teka, teka, teka.
Hindi pa nga buo ang konsentrasyon niya sa Gin Kings dahil sa tinutulungan pa niya si Cone sa San Mig Coffee na nakarating sa Finals ng Commissioners Cup kontra Talk N Text.
Kumbaga’y hati ang oras ni Cariaso sa dalawang teams.
Alangan naman kasi ng basta-basta iwan niya ang Mixers na hindi pa tapos ang kanilang misyon.
Natural na nais muna niyang tapusin ang Finals ng Commissioner’s Cup bago tuluyang iwanan ang Mixers.
Dahil doon, siyempre, hindi pa niya maitotodo nang husto ang paghawak sa Gin Kings. So, sa kasalukuyan, ang mga assistant coaches muna ni Cariaso ang nakatuon ang pansin sa Barangay Ginebra.
Kaya nagtatanong ang mga supporters ng Gin Kings kung maganda ang kalalabasan ng set-up na ito lalo’t maikli na lamang ang Governors Cup.
Dapat daw ay pinatapos muna sa nakaraang coaching group ang paghawak sa Gin Kings at iniluklok na lang si Cariaso papasok sa susunod na season.
Mas magiging smooth sana ang transition.
Sabrina Pascua