INIHAHANDA na ng Philippine National Police (PNP) sa Kampo Crame ang sinasabing special detention facility para sa tatlong senador na nahaharap sa kasong plunder na kinabibilangan nina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Juan Ponce Enrile at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
Ayon kay PNP PIO Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, ang nasabing special detention cell ay inihahanda lamang sakaling magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban sa tatlong senador.
Nahaharap ang tatlong senador sa kasong plunder at graft na walang pyansa.
Ayon kay Sindac, sa ngayon ay puno ang PNP custodial center ng mga bilanggo at kailangan nilang magdagdag pa ng selda para ma-accomodate ang mga bagong bilanggo.
Siniguro ng PNP ang fair treatment na kanilang ibibigay para sa tatlong senador.
Kabilang sa mga nakakulong ngayon sa PNP custodial center ay si dating PNP Chief Avelino Razon at iba pang heneral, mga pulis na sangkot sa Atimonan rub-out incident at ang mag-asawang NPA na sina Benito at Wilma Tiamzon.
Ang nasabing special detention cell ay hiwalay sa mismong selda ng PNP custodial center.