Sinimulan na ang pagbuwag sa sindikato ng ‘land-grabbers’ sa Antipolo City, Rizal kamakalawa matapos na ipag-utos ng Supreme Court (SC) ang demolisyon ng ilang kabahayan ng informal settlers na protektado ng mga dating opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ang demolisyon ay pinangunahan ni Sheriff Belinda Ong ng Antipolo Regional Trial Court (RTC), katuwang ang Antipolo PNP, Urban Settlement Division Office (USDO), City Social Welfare and Development Office (CSWD) at National Housing Authority (NHA).
Tinatayang nasa 23 bahay ang giniba matapos manalo sa siyam na kaso na isinampa ng Cuencoville Homeowners Association Inc. (HOAI), walo rito ang pina-boran ng (SC) sa ejectment habang ang isa ay nullification of title sa lupa na okupado ni Gen. Rolando Puruganan.
Ayon kay Lina Pasada, kabilang sa mga nawalan ng bahay, kompleto naman ang kanilang bayad sa Pagrai HOAI & Alliance na pinamumunuan ng isang Ex-Major Romulo Manzanas.
“Sa grupo po kasi kami ni Maj. Manzanas nagbaba-yad dahil sila raw ang lehitimong may-ari ng lugar, kaya ayaw namin magbayad sa Cuencoville HOAI, dapat ibalik nila ang ibinayad namin kasi na-demolished kami, sindikato pala sila at nawawala kapag may demolisyon” ani Pasada.
Lumalabas na peke ang mga titulo ni Manzanas at naibenta niya ang rights sa ilang indibidwal at tinirahan na ng informal settlers.
Nabatid na matagal nang pinadalhan ng notice ang mga residente upang bakantehin ang lupa pero binalewala kaya’t sapilitan nang giniba ang may 26 bahay upang ipatupad ang utos ng hukuman.
Nabatid na ang mga rights sa lugar ay ibenebenta ng sindikato sa malalaking halaga pero walang maipakitang tunay na dokumento na sila ang nagmamay ari.
Hinahanap ngayon ng mga awtoridad si Manzanas na ipinamamalitang protektado siya ng isang retiradong heneral ng PNP na hepe ng isang ahensiya sa Antipolo City Hall. (EDWIN MORENO)