APAT nagtatrabaho at naglilingkuran sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at isang US immigrant ang pinatay ng mga pinaniniwalaang hired killers sa Metro Manila, sa loob lamang ng isang araw kahapon.
HATAW News Team
BIR OFFICER NIRATRAT SA KYUSI
MilagroNG nakaligtas sa kamatayan ang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) makaraang bakbakan ng riding-in-tandem sa Quezon City.
Ayon kay Supt. Lemuel Obon, ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10, kinilala ang biktima na si Daniel de Jesus, 46, anyos, hepe ng BIR Internal Affairs Division Main Branch.
Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang pangyayari dakong 12:00 a.m. sa tapat ng Philippine Heart Center (PHC) sa East Avenue
Nabatid na minamaneho ng biktima ang silver Toyota Innova (NXQ-396) nang huminto sa traffic light pero dinikitan siya ng motorsiklo sakay ang dalawang suspek saka pinagbabaril ang loob ng sasakyan.
Nagawang imaneho ng biktima ang kanyang sasakyan sa kalapit na Philippine Heart Center at doon siya nilapatan ng lunas.
KAWANI NG KORTE SA MUNTI UTAS SA TANDEM
PATAY na nang idating sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Lawrence Panganiban, process server ng Muntinlupa City Regional Trial Court, Branch 256, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong 10:40 a.m. sa San Guillermo st., Purok 4, Barangay Bayanan.
Maghahatid ng subpoena si Panganiban sa isang residente sa nasabing barangay, nang biglang sumulpot ang motorsiklong di naplakahan sakay ang dalawang suspek at agad pinagbabaril ang biktimasa iba’t ibang parte ng katawan.
Sinisilip ng pulisya na may kaugnayan sa trabaho ng biktima ang motibo sa pamamaslang.
(JAJA GARCIA)
MAPSA NA RETIRED ARMY TODAS SA BOGA
SABOG ang bungo ng isang Makati Public Safety Assistance (MAPSA) na retired army nang barilin sa ulo ng ‘di nakilalang suspek kamakalawa ng gabi sa Taguig city.
Patay noon din ang biktimang si Nilo Palomar, 58, ng Socorro St., Barangay Southside Village, Makati City, retired Philippine Army, sanhi ng tama ng bala sa ulo.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Virgilio Almazan, Jr., ng Homicide Section, dakong 10:30 p.m. naganap ang pamamaril sa C-5 Road, Barangay Ususan. Isa sa anggulong sinisilip ng pulisya ang pagiging kasapi ng MPSA ng biktima.
(JAJA GARCIA)
Barangay officials inuubos
KAGAWAD PA ITINUMBA SA CALOOCAN
KAMAKALAWA iniulat ang pagkapaslang sa traffic chief ng Caloocan, at isang barangay kagawad, kahapon pinagbabaril ang isa pang barangay kagawad na nagtatrabaho bilang kusinero, ng dalawang hindi nakilalang suspek sa loob ng pinapasukan niyang restaurant sa Caloocan City.
Dead on the spot ang biktimang si Rogelio Escaño, 53-anyos, Kagawad ng Brgy. 44, ng 549 P. Sevilla St., pagitan ng 2nd at 3rd Avenue, sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo at kaliwang mata.
Pinaghahanap ng awtoridad ang dalawang hindi nakilalang suspek na mabilis tumakas sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ni SPO1 Joselito Barredo, may hawak ng kaso, dakong 6:30 a.m. kahapon nang maganap ang pamamaril sa loob ng Tony’s Restaurant nasa # 388 8th Avenue, Brgy. 106.
(ROMMEL SALES)
Pagkatapos ng despedida
US IMMIGRANT TIGOK SA BOGA NG TANDEM
NAUNSIYAMI ang pangarap ng isang immigrant na tuluyang maging US citizen nang tapusin ng apat na bala ang kanyang buhay sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Patay na nang dalhin sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERMMC) si Diosdado Vinegas, 51-anyos, empleyado ng Mariot Hotel Hawaii, ng 824, Leyte St., Sampaloc, sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa likod.
Sa imbestigasyon ni PO3 Richard Limuco ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 8:10 a.m. naglilinis sa tapat ng kanilang bahay si Diosdado matapos ang padespedida nang sumulpot ang mga suspek at saka pinagbabaril ang biktima.
Ayon sa asawang si Aurora, walang kaaway ang biktima at kararating nito mula Hawaii nnakaraang Abril 10.
Ngayon araw, ay nakatakdang bumalik sa Hawaii ang biktima para sa kanyang trabaho at pagiging immigrant.
-LEONARDO BASILIO (May kasamang ulat nina Camille I. Bolos, Nikki-Ann Q. Cabalquinto, Antonio C. Maaghop, jr., Bhenhor M. Tecson, Lara Liza M. Singson)