PATAY na ang Air Force master sergeant na dawit sa 1983 assassination kay dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr., ayon sa kanyang anak kahapon.
Sinabi ni Diomedes Martinez, ang kanyang amang si dating M/Sgt. Pablo Martinez, ay binawian ng buhay makaraang mabundol ng sport-utility vehicle sa Macapagal Blvd., nitong Lunes.
“Nasagasaan siya sa Macapagal Boulevard po… Tatakas pero naharang ang driver,” pahayag ni Diomedes.
Ngunit duda si Diomedes na aksidente ang nangyari.
Ang biktima ay nagbibisekleta tuwing umaga sa likod ng Mall of Asia sa Pasay City.
“Duda ako kung nabangga siya o binangga siya,” aniya pa.
Bunsod nito, humihiling si Diomedes nang masusing imbestigasyon sa insidente upang mabatid kung may naganap na foul play.
Ang nakatatandang Martinez, ng Aviation Security Command, ay ginawaran ng pardon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2007.
Iginiit niyang si Rolando Galman ang bumaril kay dating Sen. Aquino, ama ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ng nakatatandang Martinez na siya ang bumaril kay Galman.
(JAJA GARCIA)