IBINASURA ng Ombudsman ang kasong graft na isinampa laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Gayon man ipinagkibit-balikat lang ng Palasyo ang pagbasura ng Ombudsman sa kasong graft laban kay Arroyo kaugnay sa P728 milyong fertilizer fund scam.
“We note the May 08, 2014 Resolution of the Office of the Ombudsman dismissing the graft complaint against former president Gloria Macapagal-Arroyo,” pahayag kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.
Ani Coloma, iginagalang ng Palasyo ang desisyon ng Ombudsman dahil ito’y independent constitutional body na may kapangyarihang magpasya sa mga katulad na kasong inihain sa kanilang tanggapan.
Sa resolusyon na nilagdaan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales noong Mayo 2, “there is no factual, or legal basis” na magpapakita na may naging partisipasyon si Arroyo sa anomalya.
Ito ang pang-apat na kaso laban kay Arroyo na ibinasura ng Ombudsman. Nauna rito ay inabswelto siya at anak na si Camarines Sur Rep. Dato Arroyo sa pagkakasabit sa maanomalyang P1-billion Libmanan-Cabusao Dam and Skybridge 1 and 2 projects; nilinis din ang dating Pangulo sa kasong plunder kaugnay sa P72-milyong capital gains tax na hindi siningil sa pagkakabenta ng Iloilo Airport sa Megaworld Corporation noong 2007, gayon din sa pag-lustay sa P530 milyong pondo ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA).
Ayon sa abogado ni Arroyo na si Atty. Raul Lambino, alam na ni Arroyo ang naging kapasyahan ng Ombudsman na ikinatuwa niya at ng kanyang buong pamilya.
Sinabi ni Lambino, unti-unti nang lumalabas ang katotohanan na walang ginawang katiwalian ang dating Pangulo kundi pawang pamomolitika lamang ang mga kasong isinampa laban sa Pampanga representative.
Si Arroyo ay naka-hospital arrest dahil sa hiwalay na kasong plunder at election related issues.
ni ROSE NOVENARIO