MAAARI nang kasuhan ng estafa at ipa-contempt sa korte si Janet Lim-Napoles dahil sa patuloy na pananatili sa pagamutan sa kabila ng clearance na maaari na siyang ibalik sa kanyang detention facility.
Ayon kay Senate justice committee chairman Sen. Koko Pimentel, mistulang niloloko na ni Napoles ang legal system ng bansa nang igiit ang kanyang pananatili sa pagamutan.
“Kasuhan ng estafa at ipa-contempt sa korte kapag hindi nagbayad… Refusing to return to her detention cell, Napoles is making a fool out of country’s justice system,” ani Pimentel.
Una nang sinabi ni PNP spokesman, Chief Supt Reuben Theodore Sindac na hindi pa maaaring ibalik si Napoles sa kanyang detention facility sa Laguna dahil hindi pa nababayaran ang kayang bill sa Ospital ng Makati na nagkakahalaga ng P97,000.
Magugunitang naghain ang kampo ni Napoles ng motion for extension ng kanyang pananatili sa pagamutan dahil kailangan pa niya ng check-up isang beses kada linggo sa loob ng isang buwan makaraan isailalim sa operasyon para maalis ang matris at uterus.
Si Napoles ay nahaharap sa kasong serious illegal detention na isinampa ni Benhur Luy at kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.
(CYNTHIA MARTIN)