INIHAIN na ng liderato ng Senate committee on government corporations and public enterprises, ang committee report tungkol sa pagpapalawig ng prangkisa ng Philippine National Railways (PNR) sa loob ng 25 taon.
Batay sa Republic Act 4156, ang operasyon ng PNR, ang ahensya ng pa-mahalaan na nangangasiwa sa railway system sa Luzon, ay hanggang sa Hunyo 19 na lamang.
Sa kanyang Committee Report No. 22, iminungkahi ni Committee chairperson Cynthia Villar na baguhin ang umiiral na charter ng PNR at palawigin ang operasyon nito sa susunod pang 25 taon at renewable ng karagdagang 25 taon.
Nilinaw ng senadora na imbes gawing 50 taon ang ibibigay sa PNR ay gawin muna itong 25 taon upang masiyasat ang kanilang performance.
“Instead of giving PNR another 50 years outright, we are extending it to 25 years but renewable for another 25 years so that we can review its performance,” dagdag ng senadora.
Iginiit ni Villar na ang PNR ang nagbibigay ng pinakamurang pamasahe na 71 sentimo kada kilometro kom-para sa P2 na sinisingil ng mga jeep at bus.
(CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)