NATAPOS sa madugong komprontasyon ang nangyaring hostage-taking kamakalawa sa Quezon City.
Namatay noon din sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa katawan ang hostage-taker na kinilala sa alyas Edwin, dating tindero.
Sa ulat ni PO1 Rogelio Corpuz ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10, nangyari ang eksena bandang 6:00 p.m. sa Aurora Blvd., Cubao.
Nabatid, unang ini-hostage ng suspek ang isang matanda na nakahulagpos agad, kaya’t pinagbalingan niya ang biktimang si Joanna Tipay, 14-anyos, residente sa nasabing lugar.
Makalipas ang ilang minuto, nagresponde ang mga awtoridad at dito tinangkang payapain ang suspek na hostage pa ang biktima.
Sinasabing nagtangkang sumakay sa isang dyip ang suspek habang hawak-hawak niya ang dalagita kaya’t dito na siya pinutukan ng mga awtoridad naging sanhi ng kanyang kamatayan. (JETHRO SINOCRUZ)