DAVAO CITY – Isasailalim sa stress debriefing ang 26 sibilyan na kabilang sa 39 binihag ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Sitio Tabon, Brgy. Panamin Mabini, Compostela Valley Province, kilalang isang mining community.
Ayon kay Lt. Col. Michael Luico, commander ng 66th IB Philippine Army, tumulong sa negosasyon ang barangay kapitan sa nasabing lugar upang ligtas na mapalaya ang mga biktima.
Napag-alaman, sa 39 ginawang human shield, apat sa kanila ay mga bata na kinabibilangan ng apat-buwan gulang na sanggol, isang taon gulang, at dalawang 3-anyos, dalawa sa kanila ay mga babae.
Binigyang linaw ni Luico, ang detachment ng militar ay nasa Brgy. Mahayahay at malayo sa Sitio Tabon na pinangyarihan ng insidente.
Karamihan aniya sa mga minero ay naghahanapbuhay lamang at pansamantalang naninirahan sa Sitio Tabon.
Patuloy ang military operations ng mga sundalo lalo’t alam na nila ang kinaroroonan ng mga rebelde.
Layon ng mga sundalo na mailigtas pa ang natitirang mga bihag ng armadong grupo.