AMINADO si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na lumago ng P1.3 million ang kanyang kayamanan sang-ayon sa kanyang statement of assets, liabilities and networth (SALN).
Naisumite na sa Office of the Ombudsman ang kanyang SALN at bukas ito sa publiko.
Noong nakaraang taon ang kayamanan ng Pangulo ay nasa P65.13 million at ngayong taon ay naging P66.43 million.
Sinabi ng Pangulong Aquino na ang dahilan ng paglaki ng kanyang kayamanan ay mula sa interes ng kanyang pera.
Ayon sa Pangulong Aquino, mula nang maging presidente siya ay nag-divest na siya sa mga business investment kaya hindi kalakihan ang paglago ng kanyang yaman.
Inihayag ng Pangulong Aquino na sa huling pagsusumite niya ng kanyang SALN bago siya bumaba sa Malacañang sa 2016 ay malaki ang ibabagsak ng kanyang assets dahil babayaran niya ang kanyang mga kapatid na nag-abono ng kanyang mga pangangailangan tulad ng damit na ginagamit.
“Na-isumite na raw at… Of course, hindi ako personally ang nagdadala sa Ombudsman nito. So ni-report ng aking nautusan na nai-submit na nga at tumaas ng by… if I am not mistaken, P1.3 million. Primarily interest income raw,” ayon kay Pangulong Aquino.
ni ROSE NOVENARIO