NILAGDAAN nina Defense Secretary Voltaire Gazmin at US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg ang Enhanced Defense Comprehensive Agreement (EDCA) ng Filipinas at Estados Unidos, ilang oras bago dumating sa bansa si US President Barack Obama kahapon. (ALEX MENDOZA)
BALAK pag-aralang muli ng Bayan Muna Party-list ang nilagdaang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Filipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Congressman Carlos Isagani Zarate ng Bayan Muna party-list, pagkatapos ng pagsasapubliko sa nalagdaang kasunduan ay pag-aaralan nila ito at tiyak na dadalhin nila ito Supreme court (SC).
Aniya, tulad ng nakasaad sa Saligang Batas, pagkatapos ng taon 1991 ay dapat wala nang manatiling tropa ng Amerikano sa bansa maliban kung may treaty na mapagkasunduan sa Senado.
Dagdag pa niya, nalagdaan nga ang EDCA ngunit hindi ito nabusisi nang mabuti at hindi naipakita sa Senado.
Dahil dito, balak ng grupo na idulog ito sa SC upang mabigyan nang tamang desisyon.
Kamakalawa nilagdaan ang EDCA sa Camp Aguinaldo na layong mas magpatibay sa relasyon ng Filipinas at Amerika.
Inaasahan din na magpapalawak ito ng mga oportunidad para iangat ang kakayahan sa larangan ng self-defense at maigting na maritime security ng bansa. (HNT)