INILINAW ng embahada ng Filipinas sa Amerika na walang katotohanan ang napaulat na hindi na kailangan ng visa ng mga Filipino na tutungo sa Amerika.
Ayon sa Philippine Embassy sa Washington, ‘hoax’ lamang ang naturang artikulo na inilathala sa website na “Adobo Chronicle.”
“The embassy of the Republic of the Philippines would like to inform the public that there is no truth to what appears to be an online news report that the United States has announced a ‘no visa’ policy for Filipinos,” bahagi ng kalatas na ipinalabas ng embahada.
Dagdag ng embahada, ang nasabing artikulo ay isa lamang “satirical” at hindi dapat seryosohin.
Batay sa pekeng report, nag-anunsiyo raw ang US State Department ng “no visa policy.”
Ngunit ayon sa Philippine Embassy, nakipag-ugnayan sila sa State Department at itinanggi na may ganitong direktiba.
Sa kanilang Twitter account, nilinaw ng US Embassy sa Filipinas na walang pagbabago sa visa policy para sa mga Filipino na bibiyahe ng Estados Unidos.
HATAW News Team