DUMATING na sa bansa si Madame Atty. Jessica ‘Gigi’ Reyes, ang chief of staff ni Senator Juan Ponce Enrile na sinasabi ni Sen. Miriam Santiago na ‘very close’ sa dating Senate President.
Ang pagbabalik sa bansa ni Atty. Gigi Reyes ay nagbigay ng iba’t ibang espekulasyon sa madla lalo na sa hanay ng mga pinagbibintangang sangkot sa P10-billion pork barrel scam na ang itinuturong may maniobra ng lahat ay si pork barrel queen Janet Lim Napoles na kamakailan lang ay napagtagumpayang isailalim siya sa hospital arrest.
Heto nga’t umandar na naman ang pagiging Madam Auring ni Senator Miriam Santiago.
Dalawa lang ang hula niya …kung hindi raw alam ni Senator Enrile ang pagbabalik ni Atty. Gigi ibig sabihin lang umano na ‘hiwalay’ na ang dalawa at posibleng may kinalaman umano ang Malacañang.
Ibinibigay ni Sen. Miriam ngayon ang bola kay Blue Ribbon Committee chair Sen. TG Guingona III para kompletohin umano ang kwento kung bakit naririto ngayon si Atty. Gigi.
Alam natin na ang magiging ultimong layunin ni Atty. Gigi ay iligtas ang sarili sa kalaboso. Si Enrile, sa kanyang edad, ay malaki ang posibilidad na makaligtas sa rehas at tarima.
Sa ganang atin, kung tetestigo man o hindi si Atty. Gigi, sana lang ay huwag siyang magamit sa grand standing ng mga politikong gustong magpapogi para sa 2016.
Kahit itanong pa ninyo kay Sen. Miriam.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com