HINIMOK ng Commission on Elections (Comelec) ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na magpatala bilang mga bagong botante sa isasagawang new voter’s ands biometric registration sa simula sa Mayo 6, 2014.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, bukod sa 2016 local and presidential elections, kanilang pinaghahandaan na rin ang posibleng gaganaping plebisito para sa nilulutong Bangsamoro political entity sa Mindanao.
Tinukoy pa ni Brillantes, inaasahan nilang nasa 3-million bagong botante ang lalahok sa 2016 elections.
Una rto, nakipagpulong ang poll body sa mga opisyal ng MILF para sa maagang paghahanda para sa isasagawang plebisito.
Layunin ng maagang paghahanda na maiwasan ang ano mang aberya bagama’t bumuo na ang Comelec ng komite para tutukan ang paghahanda para sa plebisito.
Tinukoy pa ng opisyal na bukas ang matataas na opisyal ng MILF para sa gagawing paghahanda sa plebisito lalo na ang pagtiyak sa seguridad ng mga boboto na maapektuhan ng Bangsamoro kung pabor o hindi sa pagbuo ng political entity sa Mindanao.
Ayon pa sa Comelec, sakaling maisabatas ngayong taon ang Bangsamoro Basic Law, posibleng sa unang bahagi ng susunod na taon ay maidaos na ang plebisito sa mga lugar na mapapasama sa Bangsamoro.
Tinukoy ni Tagle, mayorya lamang ang kinakailangang makuha sa plebisito para maisakatuparan ang pagbuo sa Bangsamoro na mas malawak sa ARMM.
(BETH JULIAN)