PATAY ang 45-anyos karpintero nang martilyuhin sa ulo at katawan ng kapatid ng kanyang kainuman na construction worker, sa itinatayong gusali, sa Sta. Mesa, Maynila, iniulat kahapon.
Dead on the spot ang biktimang si Tito Gabin, tubong Barangay Halang, Calamba City, Laguna, stay-in sa no.3991 Dangal St., Bacood, Sta. Mesa.
Agad naaresto ng mga barangay tanod ang mga suspek na si Joel Esplana, 28, binata, ng Barangay Paking, Sitio Sumagonsong, Molanay, Quezon, at isa pang construction worker na si Arcenio Natada, 35.
Sinusulat ang balitang ito, ginagamot sa Sta. Ana Hospital ang nakatatandang kapatid ni Esplana na si Teodenar, 35, construction worker , dahil sa tama ng bakal sa dibdib.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 1:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng ginagawang gusali sa panulukan ng Bagumbayan at Bataan Extension, Bacood, Sta Mesa.
Ayon sa saksing si Jayson Olanda, 19, laborer at stay-in sa construction site, bumisita lamang ang nakababatang Esplana sa construction site at nakipag-inuman sa biktima at sa kanyang kuya at sa isang Natada.
Makalipas ang ilang oras, naiwan ang biktima at suspek nang magtungo na sa barracks ang batang Esplana at si Natada upang matulog.
Habang tulog na ang dalawa, naulinigan nila ang sigaw at paghahamon ng biktima ng suntukan hanggang sa magpang-abot at bumagsak umano ang nakatatatandang Esplana sa bakal na roon tumama ang dibdib.
Nagawa pang tumayo ni Esplana at tumakbo sa kapatid at kay Natada upang magsumbong kaya dali-daling sumaklolo ang dalawa, at nakahagilap ng martilyo ang suspek at kanyang hinabol si Gabin saka pinagpapalo ng martilyo na ikinamatay ng biktima.
Agad nagresponde sina Barangay Ex-O Carlos Sabado at Brgy. Tanod Floro Candellero na nagresulta sa pagkaaresto sa mga suspek na nakakulong na sa detention cell ng MPD-Homicide Section . (leonard basilio)