Siniguro ng Malakanyang na inaaksyonan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang posibleng pagkasangkot ng bandidong grupong Abu Sayyaf sa naganap na pagdukot sa isang Pinay at Chinese sa Semporna, Sabah, Malaysia.
Sa isang panayam, sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na patuloy ang paggalugad ng AFP sa mga posibleng lugar na pinagdalhan ng mga suspek sa mga dalawang biktima kabilang na sa Basultan, Basilan.
“Nagka-conduct ng extensive search and naval blockade ang ating AFP para matingnan ‘yung mga suspected seacrafts, ‘yung mga hindi pangkaraniwang mga seacraft na nagta-travel doon sa lugar,” sabi ni Valte.
Sa ngayon, wala pa aniyang koordinasyon ang mga awtoridad sa China kaugnay ng pagkadukot ng isa sa mga mamamayan nito.
Gayonman, katuwang din aniya ng AFP ang Philippine National Police (PNP) sa operasyon.
Sa ulat ng The Star, sinabi na rin ng mga awtoridad sa Malaysia na sa Mindanao dinala ng mga suspek sa kidnapping ang dalawang biktima. (HNT)