KINIKILALA natin na si pork barrel scam queen Janet Lim Napoles ay mayroong karapatang pantao (human rights).
Alam din natin na bilang detenido, siya ay may karapatan para sa kinakailangang atensiyong medikal.
Pero sa mga nagaganap ngayon, kitang-kita natin na lihis na sa mga nararapat at kaukulang atensiyon ang natatanggap ni Napoles.
Lihis, dahil OVER na ay SUPER pa ang atensiyong ibinibigay sa kanya ng gobyerno.
Hindi natin minamaliit ang operasyon ng Myoma, pero tingin natin, iba ang sitwasyon ni Napoles na nakatatanggap ng regular na medical check-up lalo na noong nakalalaya pa siya kaysa mga babaeng hindi makapagpa-check-up at makapagpagamot nang libre sa mga pampublikong ospital dahil sa pandarambong ng mga gaya ni pork barrel scam queen at ng kanyang mga patron.
Mantakin n’yo naman, ngayon ay nakapipili pa siya ng ospital (Ospital ng Makati) na pag-ooperahan sa kanya at mga doktor (mula sa St. Luke’s Global) na oopera sa kanya.
Inuulit ko po, mga doktor, ibig sabihin marami sila.
Ganyan pa rin kasarap ang buhay ni Madame Napoles.
Ang kasunod n’yan malamang hospital arrest na rin.
E ‘yung dati nga nating presidente, na nahaharap din sa kasong plunder, halos hindi na maigalaw ang kanyang leeg at talagang nahaharap sa cervical problem ‘e hindi mapayagan ng gobyernong ito na magpagamot sa ibang bansa kahit sa isang pribadong ospital.
Samantala si Napoles, Myoma, isang pangkaraniwang sakit sa mga kababaihan lalo na sa edad niya ngayon, e katakot-takot na atensiyon na ang ibinibigay?!
Pwede ba, kompiskahin na muna ninyo ang mga nadambong n’yan ni Napoles at doon ninyo ilaan sa mga babaeng nasa Correctional na maysakit pero taimtim na nagsisisi at sinisikap na mabago ang kanilang buhay.
‘Yang si Napoles, hindi lang barya ang dinekwat n’yan, BILYONES. Dahil sa dinekwat niyang BILYONES, maraming mga magsasaka ang hindi kumain sa tamang oras, hindi nakapagpaaral ng anak at namatay na lang ang mga mahal sa buhay na ni hindi nakakita kahit man lang daan patungo sa ospital.
Hindi natin sinasabing ulitin natin kay Napoles ang mga kasiphayuang iyan, ang sinasabi lang natin, huwag ninyong unahin na palasapin ng katarungan si Napoles.
Unahin ninyong bigyan ng katarungan ang mga BIKTIMA niya na walang iba kundi ang taong bayan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com