NANANAWAGAN ang Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) kay Department of Agrarian Reform Secretary Virgilio de los Reyes na sibakin sa tungkulin si DAR Undersecretary Rosalina Lopez Bistoyong at imbestigahan ang pagkasangkot sa Malampaya fund scandal ni Janet Lim Napoles.
Adbokasiya ng 4K ang pagbubunyag sa mga katiwalian sa gobyerno kaya ibinunyag ang panloloko ni Super Beaglar Inc. owner Boy Jalandoni sa PCSO sa hindi pag-uulat ng tamang kinikita sa prangkisa ng Small Town Lottery (STL) sa buong Negros Occidental at ito rin ang nagdemanda sa buong Manila City Council sa pagbebenta sa loteng kinatatayuan ng Century Park Hotel sa Vito Cruz sa halagang P1 bilyon nang walang ordinansa.
”Kinokondena namin ang pakikipagsabwatan ni Usec. Bistoyong sa garapal na negosyanteng si Sammy Uy upang ipilit sa DAR ang mga despalinghado at madaling kalawanging 90hp surplus tractors na hindi magagamit sa paglilinis sa bukid at paghawan sa mga nangabuwal na puno ng niyog sa Kabisayaan,” ayon kay 4K secretary general Rodel Pineda.
Nanawagan din sila kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Director Asis G. Perez na maging praktikal at hilingin na ang tunay na kailangang 120hp tractors para sa lubusang rehabilitasyon at paghawan ng mga bukid at niyugan sa Samar, Biliran at Leyte.
“Kagyat ang pangangailangan ng mga magsasaka na biktima ng bagyong Yolanda para makapagtanim sila ng kamote, kape, paminta at iba pang produktong pakikinabangan,” ayon sa 4K. “Dahil lang sa korupsiyon, bakit ipipilit ang mga traktorang hindi pakikinabangan bilang panlinis sa mga bukid at niyugan?” (HNT)