Lima ang patay sa pagtama ng magnitude 8.2 lindol, na sinundan ng tsunami sa Chile, iniulat kahapon.
Sa pahayag ni Interior Minister Rodrigo Penailillo, apat na lalaki at isang babae ang namatay.
Dalawa sa mga namatay ay inatake sa puso at tatlo ang natabunan.
Ayon sa US Geological Survey, naitala ang lindol sa layong 95 kilometro hilagang kanluran mula sa pampang ng Iquique, Chile sa lalim na 20.1 kilometro.
Agad nag-isyu ng tsunami warning sa mga karatig-bansa, na inalis din matapos ang ilang oras.
Sa ulat ng Chilean Navy, tumama ang unang tsunami sa Pisa-gua, Chile makaraan ang 45 minuto matapos ang lindol na umabot sa taas 6.3 talampakan.
Ayon sa ONEMI emergency office ng Chile, may mga natanggap silang impormasyon na nagdulot ng landslide sa hilaga ng bansa ang naturang lindol.
Idineklara rin ni Chilean President Michelle Bachelet na “emergency zone” ang mga lugar na niyanig ng lindol.
Bukod sa mga namatay at pinsala, nasa 300 preso rin mula sa Iquique ang nakapuga.
Libo-libong residente ang nawalan ng koryente habang daan libong Chilean mula Northern Chile ang inilikas.