INIREKOMENDA ni Senate Blue Ribbon Committee chair Sen. Teofisto Guingona III ang pagsasampa ng kasong plunder laban kina Sen. Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla, kaugnay sa multi-billion peso pork barrel scandal.
Sa inilabas na Senate blue ribbon committee report, inihayag ni Guingona, kabilang sa rekomendasyon ay ang paghahain ng kasong plunder sa tatlo at hiwalay na imbestigasyon ng Senate ethics committee at disbarment proceedings laban kay Enrile at dating chief of staff na si Atty. Jessica “Gigi” Reyes.
Magugunitang noong nakaraang taon, una nang naisampa ng Department of Justice (DOJ) sa Office of the Ombudsman ang kasong plunder o pandarambong laban sa tatlong senador, limang dating kongresista at negosyanteng si Janet Lim Napoles kaugnay sa P10-billion pork barrel scam.
Kabilang sa respondents sa kaso ay sina Enrile (P172.8 million), Estrada (P183.79 million), Revilla (P224.5 million), dating congresswoman at ngayon ay Masbate Gov. Rizalina Seachon-Lanete (P108.4 million), dating APEC party-list Rep. Edgar Valdez (P56.09 million) at ang itinuturing na mastermind na si Janet Lim-Napoles.
Bukod sa sa plunder, naghain din ng kasong malversation of public funds ang DoJ laban sa mahigit 35 pang katao, kabilang ang ilang chiefs of staff ng mga mambabatas at opisyal ng mga implementing agencies sa ilalim ng execudive department.
nina NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN
OMBUDSMAN APRUB SA PLUNDER
INIHAYAG ng Office of the Ombudsman na may nakitang probable cause para kasuhan ng plunder sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon Bong Revilla, gayundin ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles kaugnay sa pork barrel scam.
Sinabi ni Assistant Ombudsman Asryman Rafanan, kakasuhan din ng plunder sa Sandiganbayan ang mga opisyal ng ilang government and non-government organization (NGO) bunsod ng kanilang pagkakasangkot sa scam.
Ayon kay Rafanan, inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang rekomendasyon ng five-member special panel na sumuri sa reklamong inihain ng Department of Justice at National Bureau of Investigation sa joint resolutions nitong Lunes.
Ang anunsyo ng Ombudsman ay naganap dalawang oras makaraan ihayag ni Senator Teofisto Guingona III, pinuno ng Senate blue ribbon committee, sa hiwalay na briefing kahapon, na inirekomenda ng Senado ang kasong plunder laban sa tatlong senador at kay Napoles kaugnay sa anomalya.
(LAYANA OROZCO)
Jinggoy, Bong pumalag
APRIL FOOLS’ DAY SYSTEMATIC ATTACK
UMALMA sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., sa naging kapasyahan ng Office of the Ombudsman na sampahan na sila ng kaso sa Sandiganbayan kaugnay ng pagkakasangkot sa kontrobersyal na multi-billion peso pork barrel scam.
Tahasang sinabi ni Estrada na hindi siya nakipagsabwatan para ibulsa ang milyon-milyong pisong pondo mula sa pork barrel kundi, ang kanyang mga kalaban sa politika ang nagsabwatan para sila ay madiin sa kaso.
Sinabi ni Estrada, isang “Nationwide April Fool’s Day” ang nangyayari ngayon dahil kataka-takang nagkasabay pa ang Ombdusman at Senate blue ribbon committee na maglabas ng desisyon para idiin sila sa pork barrel scandal.
Sa panig ni Revilla, sinabi ng kanyang abogado na si Atty. Joel Bodegon, malinaw na minadali ng Ombudsman ang kaso sa harap ng nakatakdang “oral argument” sa Korte Suprema sa Abril 22 kaugnay ng kanilang petisyon na pigilin ang preliminary investigation ng anti-graft court laban sa senador.
Gayunman, sinabi ni Bodegon na magsusumite pa rin sila ng apela sa Ombudsman para muling kombinsihin na walang kinalaman si Revilla sa pork barrel scam.
(CYNTHIA MARTIN)
PALASYO TAHIMIK
TIKOM ang bibig ng Palasyo sa inilabas na resolusyon ng Ombudsman kaugnay sa pagsasampa ng kasong plunder at graft sa Sandiganbayan laban sa tatlong senador at ilang personalidad na sangkot sa P10-B pork barrel scam.
“We will read and study before commenting,” sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. sa text message sa mga mamamahayag.
(ROSE NOVENARIO)