KINILALA na ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang Filipino national na sinasabing sangkot sa illegal arms deal ni California State Sen. Leland Yee sa Filipinas.
Batay sa criminal complaint, tinukoy ang isang Dr. Wilson Sy Lim ng Daly City, sinasabing “associate” ni Yee sa mga transaksyon sa pagpupuslit ng armas.
Batay sa rekord mula sa Dental Board of California, si Lim ay nagsimulang magpraktis ng dentistry simula pa noong 1990.
Sa panig ng Philippine National Police (PNP), sinabi ni spokesperson Chief Supt. Rueben Sindac, nakikipag-ugnayan na sila sa FBI kaugnay sa ginagawang imbestigasyon.
Kinompirma rin ng opisyal na kanila nang natanggap ang affidavit laban kay Yee at gagamitin nila itong “lead” sa sariling pagsisiyasat.
Napag-alaman, naaresto ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Yee dahil sa kasong “conspiracy to deal firearms without a license and to illegally import firearms.”
Ito’y makaraan nahuli si Yee na tumanggap ng $42,800 bilang campaign contributions ng isang undercover FBI agent na nagpakilalang buyer ng mga armas.
(LANI CUNANAN)