SIYAM sa sampong nangholdap na hinihinalang grupo ng Martilyo Gang ang ‘nakatakas’ sa naganap na holdap sa isang jewelry shop sa Mall of Asia (MoA) sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Nakapiit na sa Pasay police detention ang nasakoteng suspek na kinilalang si Bryan Bansawan alyas Mahdi L. Abedin, 23, na nahaharap sa mga kasong robbery, frustrated homicide, attempted homicide, illegal possession of firearms and ammunition.
Sa ulat na nakarating kay Pasay city police chief Sr. Supt. Florencio Ortilla, dakong 7:20 ng gabi nang mangyari ang insidente sa F&J Jewelry and Jewellers, nasa ground floor ng SM Mall of Asia (MoA), Macapagal Avenue ng naturang siyudad.
Nakompiska sa suspek ang isang kalibre .45 baril, isang magazine puno ng mga bala.
Samantala, sugatan sa ligaw na bala ang kawani ng Spike Frozen Treats, na kinilalang si Brando Abdula, 20, ng 22 Ilang-Ilang St., Purok 6, Barangay Lower Bicutan, Taguig City, na ginagamot sa San Juan de Dios Hospital, sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Tinutugis ng pulisya ang mga nakatakas na 9 pang suspek kasama ang lider na kinilalang si Bryan Luminda, na posibleng tinamaan ng bala; isang alias Jayson at isang alias Justine na pinaniniwalaang kasamahan ng nadakip na si Bansawan.
Naaresto ang suspek sa Tokyo-Tokyo restaurant dakong 8:20 ng gabi.
Ayon sa mga pulis na naunang nagresponde, apat hanggang anim na mga suspek ang kanilang tinutugis pero ayon sa isang saksi, dalawa lang ang kanilang nakita at kinompirma ni Bansawan na dalawa lang silang sumalakay sa jewelry store.
Samantala, inabsuelto ng Pasay City Police ang mga security guard ng SM Mall of Asia (MOA), sa pagpapabaya kaya nakalusot ang mga suspek na nanloob sa mall.
Ayon kay Sr. Supt. Florencio Ortilla, hepe ng Pasay Police, ito’y dahil maayos naman ang inilatag na seguridad ng mall.
Naging maayos din anya ang pakikipag-ugnayan ng mga sekyu sa mga pulis, at nagkataon lang na mabilis at planado talaga ang pag-atake ng mga suspek sa mall.
Nagawa rin anya ng mga sekyu na tiyakin ang kaligtasan ng mga kostumer na noo’y nasa loob ng MoA.
Ayon pa sa pulisya, naging mabilis ang kanilang pagresponde dahil sa mga police assistant desk sa lugar.
Inaalam pa kung may natangay na alahas at magkano ang halaga.
(JAJA GARCIA)