UMAPELA ang walong barangay sa lungsod ng Maynila sa kanilang alkaldeng si Joseph Ejercito Estrada matapos matuklasan na ang P77 milyong real property tax (RPT) mula sa dalawang distrito ay napunta lamang sa iisang barangay sa District 1 ng Tondo.
Nais ng mga barangay chairman na paimbestigahan ni Estrada, ang iregular na paggawad ng real property tax shares of income sa iisang barangay gayong ang pinagmulan nito ay mula sa territorial jurisdiction ng District 1 at District 3 ng Maynila.
Tinukoy sa liham na ang nasabing real property ay ini-award sa barangay ni Chairman Siegfred Hernane ng Barangay 128 District 1.
Sa liham na nilagdaan ng walong barangay chairman, kinuwestiyon nila ang Resolution No. 154 Series of 2013 ng Manila City Council na pumayag na i-release ang anila’y “accumulated lawful share” mula sa real property tax na nalikom mula sa commercial at industrial establishments sa sinasabing ‘territorial jurisdiction’ ng Barangay 128, Zone 10, District 1.
Ang sinasabing territorial jurisdiction ay pinagigitnaan ng Navotas mula sa hilaga, Pasig river sa timog, Manila Bay sa kanluran at Radial Road 10 sa silangan.
Ngunit sa liham ng mga punong barangay mula sa walong barangay na sina Elenita Reyes ng Barangay 105; Tito Caldoza, Barangay 106; William Ypon, Barangay 101; Mario Banal, Barangay 123; Rufo Ventura, Barangay 118; Edgar Solis, Barangay 116; Albert Buan, Barangay 111; at Dominador Caccam ng Barangay 107 kay Estrada, sinabi nilang ang nasabing territorial jurisdiction na pinagmulan ng real property tax ay nasasakupan din ng kanilang mga barangay.
Anila, ang P77-milyon real property tax shares of income ay nailabas sa anyong trust fund na Supplemental Budget I sa halagang P25 milyones at Supplemental Budget 2 na nagkakahalaga naman ng P52 milyones.
Inilinaw din ng mga lumagdang barangay chairman, ang pagre-release ng RPT shares of income kay Chairman Hernane ay hindi naaayon at lumalabag sa Section 271 ng Local Government Code (LGC).
Ang kinukwestiyong resolusyon ng walong barangay ay sinabing inaprubahan ng Manila City Council noong Disyembre 10, 2013.
Pinilit ng HATAW D’yaryo ng Bayan na kunin ang panig ni Hernane ngunit hindi makontak ang kanyang tanggapan.
Inihahanda naman ng isang samahan sa Tondo 1 ang pagsasampa ng kasong plunder sa Ombudsman laban sa Barangay officials at mga lumagda upang mai-release ang kwestiyonableng RPT share of income.
Ni PERCY LAPID