HINDI mangingimi ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na suspendihin at kanselahin ang prangkisa ng mga jeep na pwersahang magtataas ng pasahe simula ngayon Lunes.
Sa panayam, nanindigan si LTFRB Executive Director Atty. Roberto Cabrera na parurusahan ang mga driver ng jeep na magtataas ng pasahe.
Ito’y sa harap ng banta ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) na P0.50 taas-singil sa jeep kahit pa walang permiso ng LTFRB.
“May order na po kasi kami diyan na hindi nila pwedeng gawin ‘yan, that would be a possible contempt charge against them and at the same time we would study the possibility of either suspending the franchises ng mga mag-participate if not po, irerevoke po namin ‘yung mga prangkisa nila,” babala ni Cabrera.
Nagtataka ang opisyal sa kasado na ang hakbang ng ACTO lalo’t ibinasura na nila ang hirit nitong P0.50 provisional fare increase at tanging P2 na hirit na umento na lang ang kanilang anyang dedesisyunan bago ang Abril 11.
“Ang pagkakaintindi ko ho, malinaw po ang usapan eh. Nagulat na lang kami na si Mr. De Luna, nagsasalita na naman ho na itutuloy nila,” paliwanag ni Cabrera.
“That is a direct violation po ng order po namin kung saka-sakali pong ituloy po nila,” ani Cabrera.
Kinumpirma ng opisyal na magpapakalat sila ng mga tauhan ngayong Lunes na magmo-monitor kung totohanin ng transport group ang kanilang bantang taas-singil.