PITONG araw ang ibinigay na palugit ng Department of Trade and Industry (DTI) para simulan ang imbestigasyon sa inirereklamong iregularidad sa raffle promo ng isang malaking Casino sa Parañaque City.
Sa DTI Endorsement Letter na ipinadala ni Consumer and Trade Policy Division officer-in-charge Gerald Calderon kay Asst. Regional Director Ferdinand Manfoste ng DTI National Capitol Region (NCR), agad pinaaaksyonan ng una sa huli ang inirereklamong iregularidad sa raffle promo ng Solaire Casino.
Ang nasabing reklamo ay lumabas sa kolum na Bulabugin sa HATAW D’yaryo ng Bayan ni HATAW publisher at Alab ng Mamamahayag (ALAM) national chairman Jerry Yap nitong nakaraang Marso 24.
Pinuna ni Yap sa kanyang kolum ang sistema ng raffle na walang kinatawan ang DTI at ang pagkaltas ng 20% buwis sa item o cash na mapanalunan ng mga nabubunot sa nasabing raffle. Sa kolum ni Yap, sinabi niyang kung kotse ang napanalunan, hindi ito agad makukuha ng nanalo hangga’t hindi nababayaran ang kabuuang 20-30 porsiyentong buwis.
Ganoon din naman kung iko-convert sa cash, bukod sa papalitan ito ng plastic playing chips, babawasan din agad ng 20 porsiyentong buwis kung cash.
Kinuwestiyon ni Yap, batay sa mga natatanggap niyang reklamo, kung ang nasabing 20% ‘tax’ ay napupunta o naipapasok sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ang iregularidad sa nasabing raffle promo ay ipinarating ni Calderon sa tanggapan ni Undersecretary Victorio Mario Dimagiba ng DTI Bureau of Trade Regulation and Consumer Protection. Inaasahan din ni Calderon na sa loob ng pitong araw ay may panimula nang datos si Manfoste para sa masusing imbestigasyon sa inirereklamong iregularidad sa raffle promo ng Solaire Casino.