IKINANTA ng dating opisyal ng National Bureau of Investigation na si dating NBI chief Nonnatus Rojas at current NBI Deputy Director for Regional Services Rafael Ragos ang dalawang NBI officials na nakipag-meeting kay Janet Lim Napoles bago naaresto ang pork barrel scam queen nitong nakaraang taon.
Gayunman, idiniin ni Rojas na nangyari ang kanilang meeting kay Napoles bago pa mag-isyu ang korte ng warrant of arrest laban sa negosyante.
Humarap si dating NBI Deputy Director for Intelligence Services Reynaldo Esmeralda kahapon sa NBI ad hoc committee at iprinisenta ang tatlong CCTV videos na makikita si Napoles habang nakikipag-meeting kina Rojas at Ragos.
Ayon kay Esmeralda, sa isang video, makikita ang isang babaeng nakaitim, na kinilang si Napoles, habang naghihintay sa opisina ni Rojas, kasama ng isang NBI employee. Ang video ay kuha noong Mayo 23, 2013, aniya.
Nauna rito, inamin ni Rojas na nakipagkita siya kay Napoles ngunit para lamang kunin ang panig ng negosyante kaugnay sa serious illegal detention case na isinampa sa kanya ng kanyang kaanak na si pork scam whistle-blower Benhur Luy.
Gayunman, sinabi ni Esmeralda, dapat dumiretso na lamang si Napoles sa DoJ imbes na sa NBI dahil ang kaso ay nakasampa na sa justice department.
Muling idiniin ni Esmeralda na hindi sila ni dating deputy director Ruel Lasala ang nag-tip kay Napoles kaugnay sa napipintong pag-aresto sa negosyante dahil hindi sila nakipagkita sa pork scam queen. (LANI CUNANAN)