UMALMA ang Palasyo sa akusasyon na walang “K” ang tatlong miyembro ng gabinete na inatasan ni Pangulong Benig-no Aquino III na mag-imbestiga sa kwestiyonableng P515 milyong pork barrel na ibinigay sa National Commission on Muslim Filipinos sa pamamagitan ng Office of the President.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi sangkot sa isyu sina Budget Secretary Florencio Abad Jr., Executive Secretary Paquito Ochoa at Cabinet Secretary Rene Almendras kaya sila ang napili ng Pangulo na magsiyasat sa isyu.
Kung kinukwestyon aniya ni Senador Sergio Osmena si Abad dahil siya ang nagpalabas ng kinuwestyong pondo, ito ay dahil tungkulin ng Department of Budget and Management (DBM) na ilabas ang pondo sa ahensyang dapat na paglaanan nito.
Nabatid sa 2012 report ng Commission on Audit (CoA), ang P515 milyong pork barrel ng mga mambabatas ay idinaan sa NCMF at ibinigay sa foundations at non-government organizations, na ang iba’y kontrolado ni Janet Lim- Napoles.
Muling banat ng senador sa Malacañang kamakalawa, tiwali ang mga taong nakapaligid kay Pangulong Aquino, at National Bureau of Investigation (NBI) ang dapat na mag-imbestiga sa sinasabing P515 milyong NCMF anomaly.
(ROSE NOVENARIO)