ILOILO CITY – Sermon ang inabot ng kontraktor na VN Grande Builders and Supply, kinomisyon para sa “repainting” ng kapitolyo, mula kay Iloilo Gov. Arthur Defensor, Sr., dahil sa vandalism sa Iloilo Provincial Capitol.
Una rito, agaw-pansin ang pagpinta ng engineer sa nabanggit na kompanya ng mga salitang “Hi Adele” sa dome ng anim-palapag na kapitolyo para magpa-impress sa natipohan niyang babae na nagtatrabaho sa restaurant sa itaas ng gusali sa harap ng kapitolyo.
Dahil dito, ipinatawag ni Gov. Defensor si Engr. Uychocde ng nabanggit na kompaniya at pinaamin sa vandalism sa dome ng kapitolyo.
Ngunit idinahilan ni Uychocde na hindi siya ang nag-vandal sa kapitolyo kundi ang kanyang tauhan na nagngangalang Adelino ng Cubay, Jaro.
Ngunit hindi nakombinsi ang gobernador at nagbabala na babawiin niya ang kontrata sa ‘repainting’ ng kapitolyo.
Napag-alaman na base sa nakalap na impormasyon, bago ipininta ang mga salitang “Hi Adele” sa dome ng kapitolyo, sinasabing nagmalaki pa ang tinukoy na engineer na ipipinta niya sa itaas ng gusali ang pangalan ng babae.
(KARLA OROZCO)