PATAY ang isang barangay tserman, nang pagbabarilin ng hindi nakilalang riding in tandem, sa Caloocan City, iniulat kahapon ng umaga.
Dead on arrival sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, sa Tala Estate, ang biktimang si Brgy. 183 Chairman Pedro Ramirez, 57-anyos, residente ng Guadonville Subdivision, sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang parte ng katawan.
Isang manhunt operation ang ipinag-utos ni S/Supt. Bernard Tambaoan, hepe ng Caloocan City Police, laban sa dalawang suspek na mabilis tumakas matapos ang insidente.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Renen Malonzo, may hawak ng kaso, dakong 7:45 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa Gate 2 ng Amparo Subdivision, harap ng Amparo Hardware and Construction Supply, Quirino Highway.
Nakatayo umano ang biktima sa Gate 2 ng subdibisyon nang dumating ang motorsiklo sakay ang dalawang suspek saka pinagbabaril ang barangay chairman.
Iniulat na sugatan din sina alyas Capt. Boy Buko ng Barangay 163 at Barangay 187 Kagawad Louie Banzon.
Ang tatlong biktima ay kilalang malapit kay Rep. Recom Echiverri.
(rommel sales)