NAKATAKDANG ilunsad ngayong araw ng militanteng grupong Piston ang transport protest caravan patunong Palasyo upang igiit ang P8.50 minimum fare sa pampasaherong jeep, at ang iba pa nilang mga karaingan.
Ayon sa grupo, sobra na ang panggigipit, pagsamantala at pambubusabos na dinaranas ng mga driver at maliliit na operator sa ilalim ng apat na taon panunungkulan ng gobyernong Aquino.
Sa kabilang dako, inihayag ng Palasyo na ipauubaya na lamang nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pakikipag-usap sa Piston.
“‘Yung humarap… Ano ba ‘yung mga karaingan nila? …kausapin si LTFRB Chairman Winston Ginez so sa level niya ay mapag-usapan. We have not been… Ano ba ‘yung mga concerns nila? Price increases? …to their industry, LTFRB will certainly… They are willing to sit down with them,” tugon ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda sa tanong kung haharapin ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga kinatawan ng Piston.
Ayon kay Piston national president George San Mateo, dadalhin nila sa Palasyo ang liham para kay Pangulong Aquino na humihiling na ipatupad ang P6 fuel discount sa diesel, gasolina at auto-LPG para sa lahat ng public utility vehicles (PUV’s); Atasan ang DOTC, LTO at Office of the Solicitor-General (OSG) na ipatupad sa buong bansa ang May 10, 2012 court order ng Baguio Regional Trial Court Branch 5 na nagdeklarang illegal at unconstitutional ang DOTC Department Order 2008-39 (matataas na LTO fines and penalties); itigil ang pagpapatupad ng panibagong plaka at paniningil dito sa ilalim ng Motor Vehicle Plate Standardization (MVPS) program ng DOTC na balak ipatupad simula sa Abril 2014, at itigil ang pagpapatupad sa illegal at korap na Electronic-Tagging program ng MMDA
Gusto rin ng Piston na ipahinto ang pagpapatupad ng DENR at LGUs ng random roadside apprehension sa smoke-bleching dahil matindi ang legal at illegal na pangongotong ng gobyerno rito.(ROSE NOVENARIO)