HINDI pa ‘binibili’ ng Palasyo ang paghuhugas-kamay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa nabunyag na nabubulok na relief goods na ipinamudmod sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, kailangan hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng DSWD.
“Hintayin po natin ‘yung resulta ng pagtingin ni Secretary Soliman kasi meron po talagang mga instances na hindi naman po idinaraan ‘yung relief goods sa DSWD. In fact, kahit ho ‘yung ibang mga local NGO, minsan sila po talaga ‘yung nagdadala at nagpupunta doon at nagpapamigay. Pero that being said, hintayin po natin kasi bukas naman po tayo sa magiging resulta ng imbestigasyon nila Secretary Soliman,” ani Valte.
Sa ulat, inuuod na mga pagkain ang tinanggap na relief goods ng mga biktima ni Yolanda sa Barangay Gacao, Palo, Leyte mula sa Municipal Social Welfare and Development Office.
Inamin ni Palo Mayor Remedios Petilla, ina ni Energy Secretary Jericho Petilla, may basbas niya ang dalawang beses na paglilibing sa mga nabulok na relief goods dumpsite sa Barangay San Jose, noong Pebrero.
Ibinulgar ng People Surge Alliance na nagbabayad ng P1,200 si Soliman sa bawat biktima ng Yolanda na lalagda sa testimonyang kontento sila sa relief efforts ng DSWD.
(ROSE NOVENARIO)