Tinatayang nasa 44 katao ang sugatan sa salpukan ng tatlong pampasaherong bus sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, iniulat kahapon ng umaga.
Isinugod ang mga nasugatan sa East Avenue Medical Center na karamihan ay pasahero ng Nova Auto Transport Bus habang ang ilan ay sakay ng Safeway Bus.
Marami sa mga biktima ay nasugatan sa noo at ulo dahil sa paghampas sa bakal na upuan ng mga bus.
Ayon sa drayber ng Safeway Bus at Marikina Autoline Bus, matulin ang takbo ng Nova Auto Transport bus na pa-Baclaran kaya inararo nito ang Safeway bus na pa-Welcome Rotonda na umano’y magbababa ng pasahero sa Philcoa.
Kwento ng isang pasahero ng Nova, posibleng hindi na inabot ng drayber ang preno dahil sa bilis ng kanyang pagpapatakbo.
Nahagip din ang gilid ng Marikina Autoline Bus na patungong Ayala.
Naunang tumakas ang drayber ng Nova Auto Transport bus sa pinangyarihan ng insidente pero sumuko rin siya sa Quezon City Traffic Sector 5.
Itinanggi ng driver na mabilis ang pagpapatakbo niya at nakikipagkarera sa iba pang nasangkot na bus.
Ayon kay SPO4 Henry Se, chief of investigation ng Sector 5, sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at damage to properties ang tatlong drayber.