NASUNOG ang impounding area ng isang towing company na tinatayang may nakalagak na 100 iba’t ibang uri ng sasakyan sa Pasay City, kahapon ng umaga.
Sinabi ni Fire Inspector Douglas Guiyab, ng Pasay City Fire Protection Unit, nagsimula ang sunog dakong 5:00 ng umaga sa isang pribadong impounding area na pag-aari ng Southern Crescent Towing Company, matatagpuan sa Gil Puyat Avenue, malapit sa Diocno St., ng naturang lungsod.
Sa ulat, sinabing bigla na lamang sumiklab ang impounding area dahilan upang masunog ang pinaniniwalang may 100 sasakyan na kinabi-bilangang ng ilang pampasaherong jeep, motorsiklo, trucks at sports utility vehicle. Umabot ang sunog sa unang alarma.
Ang nasunog na mga sasakyan ay sinabing mga luma na na-impound mula sa illegal parking dahil noong 2012 pa huling nag-operate ang Southern Crescent Towing Company.
Umabot ng isang oras bago naapula ang sunog dakong 6:00 ng umaga dahil natagalan bago nakahingi ng saklolo ang caretaker ng impounding area na kinilalang si Arturo Habulan.
Ani Habulan, matagal nang pinaaalis sa lugar ang impounding services na noong Oktubre 2013 pinadalhan ng eviction notice ang may-aring si Wilfredo Baltazar pero tumangging tanggapin ito.
Ayon kay Pasay City Fire Arson Investigator Mark Lanusga, ipatatawag nila si Habulan, at si Baltazar kaugnay ng insidente.
Inaalam ng mga awtoridad kung magkano ang halaga ng napinsala at iniimbestigahan kung sinadya o aksidente lamang ang nangyaring sunog. (JAJA GARCIA)