ARESTADO ng mga operatiba ng QCPD-CIDU ang lider ng Cuya robbery (hogtied) group na kinilalang si Jonathan Cuya at apat niyang mga tauhan sa pagsalakay ng mga awtoridad sa Brgy. Barreto, Olongapo City. (ALEX MENDOZA)
NABUWAG ng Quezon City Police District (QCPD) ang Cuya gapos gang makaraan maaresto ang lider at apat na miyembro ng grupo sa operasyon sa beach resort sa Brgy. Barreto, Olongapo City.Kinilala ni Chief Supt. Richard Albano, QCPD Director, ang naarestong pinuno ng grupo na si Jonathan Cuya, 23, ng 28B Sto. Cristo. St., Balintawak, Quezon City. Kasamang nadakip ang kapatid niyang si Jose Cuya, Jr., 25, businessman.
Kabilang din sa nadakip sina Michael Tolentino, 19, ng Talanay Area B, Batasan Hills, Quezon City; Martin La-lata, 27, pedicab driver, at Rodolfo Lalata, Jr., tricycle driver, kapwa residente ng #13 A Sto. Cristo St., Balintawak, Quezon City.
Ayon kay Albano, nadakip ang mga suspek sa follow-up operation ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na pinamumunuan ni Chief Insp. Rogelio B. Marcelo, makaraan looban ng grupo ang bahay ng isang Jesus Ver sa #48 Seattle St., Brgy. Immaculate Concepcion, Quezon City, noong Marso 17, 2014.
Iginapos ng mga suspek si Ver pati ang siyam niyang mga kasama sa bahay.
Tinatayang P2 mil-yong halaga ng cash, alahas at iba pang mga ka-gamitan ang natangay ng mga suspek mula sa pamilya Ver.
(ALMAR DANGUILAN)