MASOSORPRESA ang publiko sa kalibre ng puganteng tinatrabahong madakip ng awtoridad at ipipresenta ano mang araw.
Ito ang pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III kahapon.
”Ang kaya kong masabi sa inyo ngayon, may ine-expect kami, hindi ko na sasabihin kung sino. At masasabi ko lang, palagay ko kapag nagtagumpay ang isang kasalukuyang operasyon, mabibilib kayo doon sa kalibre ng mga nadakip at madadakip,” ayon kay Aquino kaugnay sa kampanya ng kanyang administrasyon na madakip ang apat pang natitira sa listahan ng most wanted persons.
Tumanggi ang Pangulo na magbigay ng karagdagang detalye sa operasyon dahil baka aniya mahalata ng suspek na siya ang tinatarget na mahuli ng mga awtoridad.
”Baka, palagay ko, pwede kong ipangako sa inyong magugulat kayo—kung magtagumpay. Ngayon, ‘pag tinanong ninyo ako ng detalye, baka naman itong malapit na pong madampot ay mapansin na siya ‘yung tinutukoy at mawala na naman. So hintayin ko na lang po na matapos ‘yung operation (at) makita ninyo ‘yung abilidad na ipinakita ng ating law enforcement entities,” dagdag pa niya.
Magugunitang itinaas ng Pangulo ang reward money sa dalawang milyon bawat isa sa limang nasa most wanted persons list na sina Delfin Lee, Ruben Ecleo, magkapatid na Mario at Joel Reyes, at ret. Gen. Jovito Palparan.
Bukod sa mga nabanggit, dinagdagan din noong nakaraang taon ng Department of National Defense (DND) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang patong sa ulo ng 235 wanted na lider-komunista na umabot sa P466.88 milyon.
ni ROSE NOVENARIO