MINALIIT ng Palasyo ang pagbasura ng mga Yolanda victims sa apology ni Pangulong Benigno Aquino III sa mabagal na aksiyon ng gobyerno sa kalamidad at panawagan na sibakin sina Social Welfare Secretary Dinky Soliman at rehabilitation czar Panfilo Lacson.
Ayon sa People Surge Alliance, hindi nila matatanggap ang masyadong huling paghingi ng paumanhin ng Pangulo at kailangang managot siya sa ginawang “criminal negligence” at bayaran ng danyos ang mga biktima ni Yolanda na namatay at nawalan ng kabuhayan.
Inihirit din nila ang pagsibak kay Soliman dahil sa kapalpakan sa tungkulin , gayundin si Lacson na tinawag na isang “demagogue” at “bagman” ni Pangulong Aquino.
Ani Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi mahalaga ang pagtanggap sa apology ng Pangulo dahil naipapakita naman ng gobyerno ang pagpapatuloy ng tulong at pag-alalay sa mas nakararaming biktima ni Yolanda.
“Klaruhin lang po natin na hindi po lahat ng Yolanda survivors ‘yung nag-reject doon sa naging pahayag ng Pangulong Aquino doon sa Hope Christian High School, at siguro po mas importante pong—more than ‘yung pagtanggap po no’ng apology ay ‘yung naipapakita po nating patuloy nating pagtulong at pag-alalay po doon sa mas nakararami doon sa mga nasalanta,” ani Valte.
ni ROSE NOVENARIO