ITINALAGA ni Pangulong Benigno Aquino III bilang assistant secretary sa Office of the President (OP) ang isa sa mga utak ng madugong kudeta na muntik magpabagsak sa administrasyon ng kanyang inang si Pangulong Cory Aquino noong Disyembre 1989.
Inihayag kahapon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte ang paghirang ng Pangulo kay Victor Batac bilang assistant secretary ng OP.
Si Batac ay nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) Class’ 71, at kasama ng “mistah” niyang si Col. Gringo Honasan ay binuo ang Reform the Armed Forces Movement (RAM) na nanguna pag-aaklas militar isa sa mga salik sa pagbagsak ng rehimeng Marcos noong 1986.
Ngunit makalipas ang tatlong taon makaraan ang EDSA 1, pinangunahan ni Batac ang pagsalakay ng mga rebeldeng sundalo sa mga estasyon ng telebisyon, na bahagi ng pinakamadugong coup d ‘etat na muntik nang magpatalsik sa administrasyong Cory noong 1989.
Makaraan mabigyan ng amnesty ni Pangulong Fidel Ramos ay bumalik sa serbisyo si Batac hanggang magretiro bilang heneral ng Philippine National Police (PNP).
Bago naging assistant secretary sa OP ay assistant secretary si Batac sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
(ROSE NOVENARIO)