NAPIKON si Pangulong Benigno Aquino III sa tanong ng isang 3rd year law student ng Ateneo Professional Schools sa Rockwell, Makati City, kaugnay sa talamak na korupsiyon sa bansa.
Inurirat ni Xyrex Kapunan, 3rd year law student ng Ateneo Professional Schools, kung paano mabibigyan ng inspirasyon ang mga kabataan na pumasok sa public service kung talamak ang katiwalian sa gobyerno.
Sinagot ng Pangulo si Kapunan na mahirap sabihin na “very rampant” ang korupsyon sa gobyerno dahil walang isyu na siya ay naakusahan ng katiwalian sa nakalipas na tatlong taon panunungkulan.
Inihayag pa ng Pangulo na kung corrupt ang lider ng bansa ay may rason din ang iba na mangurakot.
“I am practically four years into the job. I have not been accused let alone di ba. Wala naman intrigue na I am into corruption; and it starts from the top e. If the top is corrupt, then everybody will have a justification to be corrupt, okay,” ayon kay Aquino.
Hindi aniya matindi ang katiwalian sa burukrasya ngayon dahil tuloy-tuloy ang paghaharap ng kaso ng pamahalaan laban sa mga sangkot sa korupsyon noong dating administrasyon kabilang na rito ang pork barrel scam.
Kung hindi aniya makikibahagi ang mga kabataan para sa pagbabago sa lipunan, mananahin nila ang baluktot na sistema at bandang huli ay mayorya ng mga Filipino ang magdurusa.
(ROSE NOVENARIO)