ISANG bata ang nakaligtas sa bala ng kawatan nang hilahin siya ng kanyang ina pero sinawing-palad ang hindi nakaiwas na 62-anyos ginang na negosyante ng gulay nang makipagbarilan sa mga pulis ang suspek sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Rebecca Sapelino, 62, ng 122 Iba Este, Calumpit, Bulacan, binawian ng buhay sanhi ng isang tama ng bala ng kalibre .9mm sa batok.
Kritikal ang kalagayan sa Caloocan City Medical Center ng suspek na si Elmer Orfano, 18, ng 45 Merculo St., Olongapo City, sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre .9mm sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa nakabarilang mga pulis.
Batay sa ulat ni PO2 Edgar Manapat, dakong 7:55 pm, nang naganap ang insidente sa loob ng Victory Liner terminal sa 713 Rizal Avenue Extention, Monumento sa nasabing lungsod.
Kadarating pa lamang ng Victory Liner bus (CSX-875) mula Calumpit, Bulacan at habang pumaparada ay biglang nakipagputukan sa mga pulis na sina PO1 Robert Castro at PO1 Jayson Garganera, ang suspek na kawatan na si Orfano.
Walang pulis na nasugatan ngunit minalas na masapol ng ligaw na bala si Sapelino, habang sugatan ang suspek nang gantihan ng mga pulis.
Nauna rito, dakong 3:44 p.m., isang John Mark Navarro ang ka-text ni Orfani para ipatubos ang mga cellphone na ninakaw niya sa Olongapo City.
Nagpadala umano ng mga mensahe si Navarro sa mga cellphone na ninakaw sa kanilang bahay na sinagot ni Orfano.
Ipinatutubos ni Orfano kay Navarro ang mga cellphone at nagkasundo silang magkita sa terminal ng bus sa nasabing lugar.
Agad humingi ng tulong sa mga pulis si Navarro para maaresto ang suspek pero nanlaban hanggang humantong sa palitan ng putok.
(ROMMEL SALES)